Senado magpapatawag ng imbestigasyon sa nangyaring aberya sa air navigation facilities ng NAIA
Magpapatawag na nang imbestigasyon ang Senado sa nangyaring kapalpakan sa air navigation facilities ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Sinabi ni Senador Grace Poe na Chairman ng Senate Committee on Public Services na gagamitin ng Senado ang Oversight power nito para matukoy kung sino ang dapat managot at kung ano ang gagawing hakbang para hindi na maulit ang ganitong insidente.
Para sa Senadora, isang national security concern ang nangyari at dapat lang na may managot sa insidente.
Nakababahala aniya ang nangyari dahil libo libo pasahero ang nakadepende sa operasyon ng paliparan.
Hinihingan na rin ng report ng Senador ang mga otoridad hinggil sa nangyaring technical glitch at power outage.
Partikular na pagpapaliwanagin ang Civil Aviation Authority of the Philippines hinggil sa kanilang navigational equipment at umano’y power outage matapos maglabas ng statement ang MERALCO na nagsabing may sapat na suplay ng kuryente.
Sa ngayon ay bibigyan muna aniya ng tyansa ang CAAP at NAIA na resolbahin ang nangyaring aberya at maibalik sa normal ang lahat flight operations bago magpatawag ng imbestigasyon.
Meanne Corvera