Senado, makikipagdayalogo sa Palasyo sa pagkaka-veto ng ilang mga naipasang batas
Makikipagdayalogo na ang Senado sa Malacañang dahil sa sunod-sunod na pagkaka-veto ng mga naipasang batas.
Kabilang na rito ang Senate bill 2520 o panukalang ilibre na sa buwis ang insentibo ng mga miyembro ng electoral board at panukalang magtatag ng Philippine Transportation Safety Board.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hiniling niya na kay Executive Secretary Vic Rodriguez at Special Assistant to the President Anton Lagdameo na magpatawag na ng Ledac meeting para linawin ang mga priority agenda ng administrasyon.
Hiniling niya rin na magtalaga na ng presidential legislative liaison secretary na siyang makikipag- usap sa mga Senador at Kongresista para sa mas maayos na diskusyon, komunikasyon at pagpapasa ng mga batas.
Sinabi ni Zubiri na prerogative ng Pangulo ang pag-veto ng mga panukala pero lumilikha aniya ito ng hindi magandang relasyon sa pagitan ng Ehekutibo at Lehislatura.
Hindi naman pabor si Senador Koko Pimentel sa ginawang pag- veto ng Pangulo lalo na sa insentibo sa electoral board members.
Para sa Senador tama na hindi na buwisan ang kanilang mga insentibo dahil sa mahirap na trabaho tuwing eleksyon kung saan nalalagay pa sa panganib ang kanilang buhay.
Meanne Corvera