Senado, muling iimbestigahan ang isyu ng Tongpats sa importasyon ng baboy
Muling uungkatin sa pagdinig ngayon ng Senate Committee of the Whole ang umano’y anomalya sa pag-aangkat ng mga imported na karneng baboy.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, hindi sila kumbinsido sa pahayag ng Department of Agriculture na kailangang mag-angkat dahil sapat ang suplay ng baboy sa bansa.
Katunayan sa datos aniya ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 400 kilong surplus ng baboy kahit pa tumama ang African Swine fever noong August 2019.
Kuwestyon ni Lacson, magkano ang kapalit ng pagpayag na importasyon.
Duda ang mambabatas dahil apat na kumpanya lang ang nabibigyan ng Import permit at paulit-ulit na sila ang nakikinabang kahit pa sinabi ng DA na napipili sila sa pamamagitan ng raffle.
Bukod sa isyu ng Tongpats, aalamin ng Senado ang report na mahigit 30 milyong kilo ng baboy na positibo sa ASF ang naipuslit sa bansa.
Ayon kay Senador Francis Pangilinan, kailangang magpaliwanag ang DA at Bureau of Customs paano ito nakalusot sa kabila ng kanilang umano’y paghihigpit laban sa ASF.
Meanne Corvera