Senado nais papanagutin ang mga opisyal ng DOE at ERC sa nangyaring brownout nitong nakalipas na linggo
Desidido ang Senado na papanagutin ang mga opisyal ng Department of Energy at Energy Regulatory Commission sa nangyaring brownout noong nakaraang linggo.
Ito’y kahit may pahayag na ang DOE na balik na sa normal ang suplay ng kuryente sa bansa at wala ng mararanasang power outages.
Pero ayon kay Senador Sherwin Gatchalian na Chairman ng Senate energy committee, tuwing summer nagkakaroon ng red alert at malawakang brownout pero walang aksyon ang mga departmento ng gobyerno hinggil dito.
Wala ring napapanagot at umaako ng responsibilidad kaya paulit ulit na nararansan ang brownout.
Kasama sa mga ipapatawag ng Senado sa pagdinig sa huwebes sina Energy secretary Alfonso Cusi, ERC Chair Agnes Devanadera at iba pang opisyal ng dalawang tanggapan.
Sinabi ni Gatchalian na kailangan rin aniyang imbestigahan kung may nangyayaring sabwatan sa mga power companies.
Malinaw kasi aniya na kapag red alert at may brownout, tumataas rin ang singil sa kuryente.
Bukod pa rito ang nangyayaring red tape sa pagkuha ng mga permit dahilan kaya walang mga bagong pumapasok na investment sa enerhiya.
Meanne Corvera