Senado, pinaliliwanag sa DOF ang paggagamitan ng pondong kikitain sa Tax Reform Package
Pinalilinaw ni Senador Sonny Angara sa Department of Finance ang mga espesipikong programa na popondohan ng kikitain ng gobyerno sa isinusulong na Tax Reform program ng gobyerno.
Nais ni Angara, Chairman ng Ways and Means Committee na kasama sa pondohan sa makokolektang dagdag na buwis ang libreng tuition sa kolehiyo, expansion ng libreng dialysis coverage at modernisasyon ng public transportation system.
Hindi pabor ang Senador sa pahayag ng DOF na 60 percent ng revenue ay isasama sa budget allocation.
Kung ipapasa ang batas, kailangan aniyang maging malinaw kung paano ito pakikinabangan lalo na ang mga nasa lebel ng pinakamahihirap.
Sa pagtaya ng DOF, aabot sa 134 billion ang makokolekta ng gobyerno sa unang taon ng implementasyon kung maaprubahan ang Tax Reform.
Ulat ni: Mean Corvera