Senado sisikaping ipasa ang ROTC at Sin Tax bill ngayong linggo
Desidido ang Senado na pagtibayin sa sesyon ngayong linggo ang panukalang batas na itaas ang buwis sa sigarilyo at ibalik ang mandatory military training sa mga high school students o ang Reserved Officers Training Corps (ROTC).
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, isa sa mga author ng panukala, maituturing na kritikal ang magiging pagtalakay ngayong linggo sa mga kontrobersyal na panukalang batas.
Kung hindi kasi ito lulusot sa Senado ngayong linggo, malabo na itong matalakay pa bago matapos ang 17th Congress.
Ang Sin Tax bill ay pasado na sa Kamara bago pa man mag eleksyon pero hindi pa ito natatalakay sa plenaryo.
Sa kasalukuyan, walong Senador pa lamang ang lumalagda sa Sin Tax bill commitee report na kinabibilangan nina Senators Sonny Angara, JV Ejercito, Risa Hontiveros, Sherwin Gatchalian, Panfilo Lacson, Francis Pangilinan, Franklin Drilon at Nancy Binay.
Samantala pareho namang isasailalim pa sa Bicam ang ROTC bill dahil sa magkakaibang penalty na maaring ipataw sa mga lalabag sa batas.
Ang ROTC ay ipinatigil na noon dahil sa mga kaso ng hazing sa ilang mga eskwelahan.
Ulat ni Meanne Corvera