Senado pansamantalang isinara ; Plenary debate sa Nat’l budget suspendido muna
Sarado muna ang Senado at suspendido muna ang plenary debates ng Senado sa panukalang 5.024 trillion national budget matapos magpositibo sa COVID-19 si Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Si Lorenzana ay nasa plenaryo ng Senado noong martes para idepensa ang budget ng Department of National defense.
Kasama sa mga direktang na expose kay Lorenzana sina Senador Ronald Dela rosa na nagdepensa sa budget ng DND at Senador Francis Tolentino.
Ayon kay Zubiri , kailangan munang i-disinfect ang buong plenaryo at sumailalim sa RT PCR test ang lahat ng mga staff , opisyal at mga Senador na na-expose kay Lorenzana.
Pero iginiit ni Senate president Vicente Sotto na lahat naman ng pumasok sa gusali ng Senado noong martes ay inobliga nilang magsumite ng negative result ng swab test sa nakalipas na bente kwatro oras.
Dahil halos lahat ay na exposed kay Lorenzana sinabi ni Zubiri na limang araw na quarantine ang kanilang ipapatupad.
Kapag lumabas na ang resulta at nagnegatibo ang mga Senado at staff saka lang itutuloy ang sesyon sa lunes.
Nabatid na bago dumalo sa budget hearing , si Lorenzana ay bumisita sa kaniyang counterpart sa Poland mula November 6 hanggang 13 para sa defense cooperation at modernisasyon ng sandatahang lakas ng bansa.
Meanne Corvera