Senado target ipasa ang Maharlika Investment Fund bill sa susunod na linggo
Target ng Senado na maaprubahan sa third at final reading sa susunod na linggo ang Maharlika Investment Fund bago mag-adjourn ang sesyon sa June 2.
Kasunod ito ng inilabas na sertipikasyon ng Malacañang sa panukalang Maharlika Fund bilang urgent bill.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, nasa debate pa ang panukala pero mga taga-minority group na lamang ang inaasahang sasalang sa deliberasyon sa Lunes.
“The plan is to approve it by 2nd and 3rd reading next week. We are accommodating the last few members who want to interpellate on Monday then we can open the period of amendments immediately after,” pahayag ni Zubiri.
“As a certified measure we can close and approve the bill on that same week,” dagdag pa ng Senate President.
Disyembre noong nakaraang taon nang maglabas din ng kaparehong certification si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kamara para sa agarang pagpapatibay ng panukala.
Inaprubahan ng Kamara ang proposal para sa Maharlika Wealth Fund measure noon ding nakaraang taon.
Umaasa si Zubiri na ia-adopt ng Kamara ang bersyon na pagtitibayin ng Senado.
“Hopefully, the House can adopt our version which we improved with more safeguards in place to avoid possible misuse,” pahayag pa ni Zubiri.
Sa kaniyang certification message, sinabi ni Pangulong Marcos ang pangangailangan para sa isang sustainable national investment fund sa harap ng pagbaba sa global growth projection.
Meanne Corvera