Senado, tiniyak na ipapasa ang BBL bago mag-adjourn sine die bukas
Tiniyak ng liderato ng senado na pagtitibayin sa third at final reading ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL bago ang sine die adjournment ng Kongreso bukas.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hinihintay lang nila ang ipadadalang certification ng Malacañang para hindi na dumaan ang panukala sa 3 day rule.
Sinabi ni Senate majority leader Juan Miguel Zubiri, kung mapagtitibay bukas, magpapatawag sila ng Bicameral conference kahit nakabakasyon ang Kongreso sa Hulyo para matalakay ang magkakaibang probisyon sa bersyon ng Kamara at Senado.
Kung agad aniyang magkakasundo sa Bicam isasalang na sa ratipikasyon ng dalawang kapulungan ang BBL sa pagbubukas ng sesyon sa SONA ng Pangulo sa July 23 para mapirmahan agad ng Pangulo.
Isa raw kasi ang BBL sa mga maaring iprisinta ng Pangulo sa kanyang ikatlong SONA.
Ulat ni Meanne Corvera