Senado, tiniyak na maipapasa ang Sin Tax bill matapos sertipikahang urgent ng Pangulo
Mas mapapabilis na umano ngayon ang pagtalakay sa panukalang Sin Tax o pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga alak at e-cigarettes.
Ito’y matapos na i-certify na urgent ng Pangulo ang panukalang batas.
Ayon kay Senador Pia Cayetano, Chairman ng Ways and Means Committee, umaasa siyang susuportahan ng mga kapwa Senador ang panukala na layong protektahan ang kalusugan ng mga Filipino.
Bukod sa pagbabawas ng bilang ng nagkakasakit dulot ng epekto ng alcohol at e-cigarettes, ang makokolektang Sin Tax ay ilalaan ng gobyerno para pondohan ang Universal Health Care program.
Ang panukalang batas ay nakapending ngayon sa plenary debate na maaaring maisalang muli pagkatapos matalakay ang panukalang pambansang budget.
Ulat ni Meanne Corvera