Senador Antonio Trillanes itutuloy ang kasong plunder laban sa magkakapatid na Tulfo at mga opisyal ng DOT at PTV- 4
Inihahanda na ni Senador Antonio Trillanes ang kasong Plunder na isasampa laban sa magkakapatid na Tulfo, mga opisyal ng PTV- 4 at Department of Tourism.
Kaugnay ito ng maanomalyang kontrata na Tourism advertisement na idinaan sa kumpanyang Bitag Media Unlimited ng Brodkaster na si Ben Tulfo.
Sinabi ni Trillanes na kasama sa sasampahan niya ng kaso si Ben Tulfo at mga kapatid na sina dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at brodkaster na si Erwin Tulfo dahil sa umano’y pagsasabwatan para makuha ang Ads placement na nagkakahalaga ng 120 million pesos.
Kwestyonable ayon sa Senador ang paglalagay ng advertisement sa isang programa na bagsak sa rating at imposibleng hindi ito alam ng dating kalihim gaya ng pinalabas nito sa pagdinig ng Senado kahapon.
Umamin rin niya si Erwin Tulfo na nakinabang ito sa transaksyon katunayang kumikita ito ng 150,000 pesos sa bawat episode ng Kilos Pronto o tatlong milyong piso kada buwan.
Posibleng makasuhan rin si Tourism Undersecretary Katherine De Castro ang Chair ng Bids and Awards committee na siyang nag-apruba ng Placement Ads.
Senador Trillanes:
“Maliwanag pa sa sikat ng araw na lahat ng elemento ng krimen na plunder ay ginawa ng magkakapatid na sina Ben Tulfo, Erwin Tulfo at Wanda Teo at ilang opisyales ng DOT at PTV4. Bukod sa walang basehan kung bakit sila maglalagay ng P120 million pesos advertisement sa isang programa na mababa ang rating, hindi rin kapani-paniwala ang alibi ni Former DOT Secretary Teo na hindi niya alam na ang kanyang sariling kapatid na si Ben Tulfo ang may-ari ng Kilos Pronto. Dagdag pa rito, napaamin si Erwin Tulfo na nakinabang siya sa transaksyong ito dahil siya ay kumikita ng P150 thousand na sweldo kada episode o mahigit 3 milyon kada buwan. Kaya dahil dito, tuloy-tuloy ang pagsampa ko ng kasong plunder laban sa kanila”.
Ulat ni Meanne Corvera