Senador Bong Revilla, tinanggihan ang alok ng Lakas-CMD na sumabak sa Presidential elections sa Mayo
Walang plano si Senador Bong Revilla Jr. na tumakbo sa pagka-Pangulo sa May 2022 elections.
Ito ang tiniyak ni Revilla matapos sabihin ni Lakas-CMD secretary general at House Deputy Speaker Prospero Pichay Jr. na si Revilla ang nililigawan ng partido para maging kanilang standard bearer sa darating na eleksyon.
Sabi ni Pichay, wala na kasing pag-asa na tumakbo si Davao city Mayor Sara Duterte Carpio na siya sanang susuportahan ng partido.
Pero ayon kay Revilla, nagpapasalamat siya sa tiwala ng partido at suporta ng mga kapwa Filipino pero wala syang balak na sumabak sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Sa huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy, naghain ng kandidatura sina Anna Capella Velasco at Lyle Fernando Uy para sa pagka-Pangulo at Vice-President bilang pambato ng Lakas-CMD.
Ang Lakas-CMD ay partido ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa naunang statement sinabi ng partido na sina Velasco at Uy ay pansamantala lamang habang hindi pa nakapagdedesisyon ang partido.
Meanne Corvera