Senador Cayetano, hinimok ang mga kapwa Senador na bawasan ang paggamit ng papel at plastic sa Senado
Hinimok ni Senador Pia Cayetano ang mga kapwa Senador na limitahan ang paggamit ng plastic at papel para makatulong na makabawas sa pagdami ng basura.
Kasunod ito ng pagsasabatas ng extended producers responsibility na nag-oobliga sa mga kumpanya na i recover ang mga basurang plastic mula sa kanilang mga produkto.
Ayon kay Cayetano , bilang tagapag balangkas ng batas, dapat ang mga Senador ang maging leader by example.
Kung mahigpit aniyang ipatutupad ang segregation ng basura sa lahat ng tanggapan sa Senado, maaaring mabawasan ng 50 percent ang kokolektahing basura.
Ayon sa Senador, nitong COVID- 19 pandemic dumami ang mga single use plastic, kasama na ang mga take-out containers na gawa sa plastic na nadagdagan pa ng basura mula sa facemasks at iba pang covid related waste.
Apila niya tigilan na rin ang paggamit ng pet bottles sa mga pagdinig at pakiusapan ang mga dadalo sa mga hearing na magdala ng kanilang sariling tumblers.
Namahagi naman si Cayetano ng mga insulated water bottle para hindi na gumagamit ng disposable plastic bottles.
Meanne Corvera