Senador De Lima, inabswelto ng Muntinlupa RTC sa isa sa 3 kasong may kaugnayan sa iligal na droga
Inabswelto ng Muntinlupa City Regional Trial Court si Senador Leila de Lima sa isa sa tatlong kasong kinakaharap nito na may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa desisyon ni Judge Liezel Aquiatan ng Branch 205 ng Muntinlupa RTC, hindi napatunayan at walang ebidensya na nakipagsabwatan si De Lima sa kapwa akusado na si Jose Adrian Dera.
Si Dera ang sinasabing nangolekta ng umano’y mahigit 3 milyong piso sa mga drug lords sa New Bilibid Prison para naman sa kampanya umano ni De Lima noong May 2016 elections.
Pero ibinasura ng kaparehong branch ang Demurer to Evidence o apila ni De Lima na maibasura naman ang hiwalay na kaso kung saan akusado rin ang dating driver ng Senador na si Ronnie Dayan.
Sina De Lima at Dayan ay kinsauhan ng illegal drug trading dahil sa umano’y pagtanggap ng pera sa mga drug lords sa National Bilibid Prisons para sa kanilang operasyon.
Bukod sa dalawang kaso sa Branch 205, may hiwalay din na drud-related case si De Lima sa Branch 256 ng Muntinlupa RTC na dinidinig pa ng Korte.
Ayon kay Atty. Rolly Peorp, isa sa abugado ni De Lima, naniniwala silang ang desisyon ng Korte ay magbibigay ng domino effect sa dalawa pang kaso na pending pa sa Korte.
Ang kaso aniya kasi ay ibinatay pa lang sa mga pahayag ng testigo ng prosekusyon na umaming wala silang ebidensya laban kay De Lima.
Kabilang na rito si dating PNP Intel Chief at ngayo’y Mayor Benjamin Magalong nagsabing wala siyang natanggap na Intel reports noon na sangkot si De Lima sa illegal drug operations.
Meanne Corvera