Senador Dela Rosa nanghihinayang na hindi napaboran ang gobyerno sa petisyon na ideklarang terorista ang NPA
Dismayado si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa desisyon ng Manila Reginal Trial Court na nagbabasura sa petisyon ng gobyerno na maideklara ang Communist Party of the Philippines New Peoples Army bilang teroristang grupo.
Ayon kay dela Rosa, bagamat nirerespeto niya ang desisyon ng korte nanghihinayang siya na dapat pinaboran na ang gobyerno.
Iginiit ng Senador na dekada sisenta pa namamayagpag na ang CPP-NPA NDF at dapat ng supilin ang kanilang operasyon.
Ginagamit lang aniya ng mga rebelde ang isyu ng kahirapan at umano’y kawalan ng suporta ng gobyerno para bulagin ang isip ng ating mga kababayan lalo na ang mga nasa liblib na lalawigan.
Gayunman, naniniwala ang Senador na hindi maaapektuhan ng desisyon ng Manila RTC ang counter insurgency efforts ng pamahalaan.
Inirekomenda naman nito ang tuluyan nang pagbasura ng gobyerno sa peacetalks sa mga rebelde kung talagang nais na solusyunan ang insurgency.
Meanne Corvera