Senador Dela Rosa, nanindigang seryoso sa pagtakbo sa pagka-Pangulo ng bansa
Umalma si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga alegasyon na maaaring panakip-butas lamang siya sa tunay na kandidato ng administrasyon sa pagka-Pangulo sa eleksyon sa Mayo.
Ayon sa Senador, seryoso siya sa kaniyang pagtakbo.
Marami naman umano siyang tagasuporta, katunayang nag-number 5 siya sa Senatorial race noong 2019 elections.
“Magpa-file ba ako kung di ko gusto? para tumakbo bilang Pangulo? Why? do i look like a mockery to you? I won as Senator. No. 5 ako in the last elections. No. 5 ako na Senador. Is that a mockery? Is it a mockery to the 19 million Filipinos who voted for me as Senator of this republic?”
Sinabi ni dela Rosa na matagal na itong plano ng PDP-Laban nang tanggihan ni Senador Bong Go ang posisyon pero hindi muna inanunsyo.
Marahil napili aniya siya ng partido dahil maaari niyang ipagpatuloy ang mga programa ni Pangulong Duterte lalo na ang laban kontra droga.
Sa tanong kung maaari siyang magkaroon ng substitute, sinabi ng Senador na bahala na ang partido.
Pero malabo aniya ang pinalulutang na papalitan siya ng anak ng Pangulo na si Mayor Inday Sarah dahil hindi naman ito miyembro ng PDP-Laban.
“Pero this is a party decision. this is not my personal decision. Kasi kung ako lang masunod, kung papatakbuhin nila ako, tatakbo ako”.
Samantala, kumbinsido naman ang isang pasksyon ng PDP-Laban na hindi si dela Rosa ang totoong kandidato.
Sabi ni Senador Aquilino Pimentel Jr., hindi ito ang tunay na resulta ng pulong ng partido at posibleng mapalitan pa.
“Walang nasunod sa national convention nila. Somebody who runs for President on a spur of the moment decision is not a serious candidate”.
Batay sa guidelines ng Comelec, ang sinumang political party o kanilang koalisyon ay maaaring pumili ng substitute candidate pagkatapos na makapaghain ng Certificate of Candidacy ng kanilang kandidato hanggang sa November 15.
Kung ang orihinal na kandidato ay mamatay o ma-disqualify, ang sinumang subsitute ay maaaring mag-file ng COC mula November 16 ngayong taon hanggang bago ang May 9, 2022 pero kailangang ang papalit ay kapareho ng kaniyang apelyido.
Meanne Corvera