Senador Drilon at Senador Pacquaio, nag-face off sa isyu ng death penalty
Nauwi sa debate ng mga Senador ang panukalang muling ibalik ang death penalty sa bansa.
Sa kaniya kasing privelege speech, umapila si Senador Manny Pacquaio sa Senate Committee on Justice and Human Rights na iprayoridad ang pagtalakay sa death penalty bill.
Nilinaw ng Senador na ang papatawan lang ng parusang kamatayan ay mga high level drug traffickers na nagpapasok ng tone-toneldang shabu sa bansa.
Pero hinarang ni Senate minority leader Franklin Drilon ang apila ni Pacquaio at iginiit na hindi dapat maipasa ang panukala.
Paalala ni Drilon, kapag napagtibay ang panukala, nangangahulugan ito na ipauubaya na sa mga hukom at mahistrado ng Korte Suprema ng paghatol ng parusang kamatayan.
Pero bagamat matatalino, ang mga mahistrado aniya ay mga tao rin na maaring magkamali.
Katunayan sa datos mula 1993 hanggang 2004, umabot sa 1, 493 na kaso ang pinatawan ng death penalty.
Pero 970 rito ang iniakyat para sa review ng Supreme Court kung saan 230 lang ang pinagtibay na patawan ng kamatayan.
Sabi rin ni Hontiveros, hindi assurance ang death penalty para bawasan ang mga drug lords at kailangan pa rin ang reporma sa criminal at justice system .
Ang death penalty bill ay pinawalang bisa noong 2006 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo pero hiniling ni Pangulong Duterte ang pagbuhay nito dahil sa mga kaso ng karumal-dumal na pagpatay dulot umano ng illegal drugs.
Aminado naman si Senate President Vicente Sotto na dapat unahin muna ang reporma sa hudikatura bago ang death penalty.
Sa mga nakataang taon kasi aniya masyadong mababa ang datos ng napaparusahan khit pa may sapat ng ebidensya.
Naipasa na sa Kamara noong nakaraang Kongreso pero hindi naka take-off sa Senado dahil marami sa mga Senador ang tutol dito.
Bukod kay Pacquiao, tatlong Senador pa ang naghain ng panukalang batas.
Sa panukala ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nais nito na masakop lang ng death penalty ang mga kasong may kaugnayan sa importation at manufacturing ng illegal drugs.
Pero sa panukala ni Senador Bong Go, nais nito na isama ang plunder sa papatawan ng death penalty habang sa panukala ni Senador Ping Lacson bukod sa illegal drugs, ipinasasama nito ang mga kasong qualified bribery, parricide, murder, human trafficking at smuggling.
Ulat ni Meanne Corvera