Senador Go, pumalag sa pag-uugnay sa kaniya sa dating DBM official na idinadawit sa overpricing ng medical supplies
Pumalag si Senador Christopher Bong Go sa pagdawit sa kaniya sa nagbitiw na opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) na iniuugnay sa pagbili ng mga overpriced na medical supplies laban sa Covid-19.
Sa naunang tweet ni dating Senador Antonio Trillanes IV, sinabi nitong si dating DBM Procurement service head na si Christopher Lao ay dati umanong aide ni Go.
Dawit rin umano si Lao sa Frigate scam kung saan isinasangkot rin si Go at si Pangulong Duterte.
Si Lao ang pinuno ng DBM-PS nang mangyari ang pagbili ng sinasabing mahal na facemask at face shield.
Pero ayon kay Go, si Lao ay naging volunteer election lawyer ni Pangulong Duterte noong 2016 na na-appoint sa Presidential Management Staff hanggang noong 2017.
Naitalaga rin ito sa Housing ang Land Use Regulatory Board (HLURB) bago na-appoint sa DBM noong 2019 pero hindi ito kailanman nag-report sa kaniya at hindi nagsilbi sa kaniya bilang aide.
Bilang miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee, iginiit ni Go na sinusuportahan niya ang imbestigasyon kung may nangyaring katiwalian sa paggastos ng pondo ng Department of Health.
Hindi niya rin haharangin ang pagpapatawag kay Lao para magkaroon ng kaliwanagan kung may nangyaring anomalya sa mga biniling medical equipment.
Nanindigan naman si Go na hindi niya papanigan ang anumang kaso ng korapsyon at dapat papanagutin sa batas ang sinumang mapapatunayang nagbulsa ng pondo ng taumbayan.
Senador Bong Go:
“I already assumed my post in July 2019 as an elected Senator when Lao was designated to head the PS-DBM in August 2019. As a legislator and member of the Senate Blue Ribbon Committee, I support the efforts to probe how public funds were spent in our country’s COVID-19 response”.
“Kung kailangang busisiin pa ang mga naging procurement ng PS-DBM na saklaw ng COA initial findings, by all means, silipin natin upang lumabas ang katotohanan. Kung kailangang ipatawag si Lao sa susunod na mga pagdinig, gawin natin upang magkaroon ng kaliwanagan, once and for all”.
“Let me reiterate that my position against graft and corruption has been firm and consistent — President Duterte and I will never tolerate any form of it. Kahit sino ka man, kahit saan ka man nanggaling, basta may anomalyang mapatunayan ay dapat may mananagot”.
Meanne Corvera