Senador Gordon, muling nagpatutsada kay PRRD dahil sa pagharang sa imbestigasyon ng Senado

Muling binanatan ni Senador Richard Gordon si Pangulong Duterte sa patuloy umanong pagharang sa imbestigasyon ng Senado sa sinasabing anomalya sa pagbili ng mga medical supplies.

Sa ika labing anim na pagdinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Gordon na wala na umanong ginawa ang pangulo kundi magmura sa halip na buksan ang isipan sa nahalukay na mga impormasyon at ebidensya ng Senado.

Isa umano itong huwad na nagpanggap na bayani pero itinatago umano ang mga nanloloko sa bayan tulad ni dating presidential adviser Michael Yang at mga opisyal ng Pharmally.

Tinawag pang sinungaling ni Gordon ang pangulo dahil nangakong papanagutin ang mga tiwali sa pamahalaan na hindi nito ginawa sa kaso ni dating USEC Loyd Christopher Lao.

Samantala , dumalo sa pagdinig ang mga opisyal ng pharmally na sina Linconn Ong at Mohit Dargani na kapwa nakadetain sa Pasay city jail.

Ang dalawa ay iniskortan ng mga tauhan ng Bureau of jail management and penology mula sa kulungan patungo sa Senado.

Inilipat ang dalawa sa Pasay jail mula sa custody ng Senado dahil sa patuloy na pagtangging ibigay ang mga dokumentong may kinalaman sa mga pinasok na kontrata sa pamahalaan.

Ang kumpanyang pharmally ang nakakuha ng halos 10 billion na kontrata para sa medical supplies na binili ng Department of health sa pamamagitan ng procurement service ng Department of budget and Management.

Meanne Corvera

Please follow and like us: