Senador, iginiit na magkaroon ng konkretong solusyon para sa kinakaharap na problema ng mga tsuper at operator
Kinalampag ni Senator Imee Marcos ang pamahalaan na magpatupad ng kongkretong solusyon para sa mga kinakaharap na problema ng mga tsuper at operators sa isyu ng PUV Modernization Program.
Bunsod ito ng malawakang transport strike ng mga grupong Piston at Manibela bilang protesta matapos nagdesisyon ang gobyerno na hindi na magpapatupad ng extension sa deadline ng PUV consolidation sa April 30.
Pangunahin na pinareresolba ni Sen. Marcos ang kawalang kakayahan ng ilang PUV operators at drivers na makabili ng bagong units.
Tanong ng Senador: “Saan kukuha ang mga tsuper at operators ng 2.4 million pesos na halaga ng isang modern jeepney at kapag naman hindi nakapagbayad ng utang ang operator sino ang sasalo rito?”
Malaking usapin din ang pagsali sa transport cooperative dahil idinadaing ng mga operator na silang may-ari ay magiging empleyado na lamang ng kooperatiba.
Nanawagan ang Senadora ng malawakang konsultasyon sa mga owner, drivers, commuters, at sa iba pang stakeholders para bigyang solusyon muna ang mga problema bago ang ganap na pagpapatupad ng programa.
Meanne Corvera