Senador Imee Marcos,Idinepensa si PRRD sa isyu ng destabilization plot VS Marcos Admin
Sa kabila ng mga umuugong na umano”y nasa likod ng destabilization plot laban kay Pangulong Bongbong Marcos, ipinagtanggol ni Senador Imee Marcos si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Marcos, hindi niya iiwan ang dating Pangulo na itinuturing niyang kaniyang ama at matalik na kaibigan.
Gaya ng kaniyang ama magiging loyal siya kay Duterte.
Tinawag pa ni Marcos na kabastusan sa aral ng Yolanda ang ginagawa ng aniya’y mga pulitikong umano’y nagpapalapad ng papel at ginagamit ang pagpapapogi para lamang magkawatak watak ang bansa.
Aniya, tulad sa Yolanda, wala aniyang delubyo ang kayang lumunod sa lakas ng mga Pilipinong mulat at gising na.
Bagama’t walang pinangalanan, sinabi ni Marcos na sasamahan niya si Duterte dahil tulad niya ay nais ng mga ito ang pagpapaunlad ng bayan, pagpapanatili ng kapayapaan at pakikipaglaban kontra sa puwersa ng kasamaang aniya’y nagpapalaganap ng katiwalian, gutom at katrayduran.
Maagang pamumulitika ang nakikitang dahilan ng Senadora kung bakit umuugong ang destabilisasiyon.
Wala aniyang dahilan para mag- aklas ang mga sundalo kahit pa mga retiradong heneral dahil niresolba na ang isyu ng kanilang ipinaglalabang pensiyon.
Hindi naman naniniwala si Senador Jinggoy Estrada na sangkot si Duterte sa anumang kudeta.
Ang napaulat na pakikipag-usap nito sa mga retired military officials ay maaring kumustahan lang at walang pakay na mag-alsa laban sa gobyerno.
Pero umapila ang Senador sa sinumang nagbabalak ng pagpapatalsik kay Pangulong Marcos na itigil na ang anumang rebolusyon.
Hindi aniya makakabuti sa bansa kung magkakaroon na naman ng kudeta dahil walang asenso ang bansa at magiging paurong ang pag-usad ng ekonomiya.
Ang ama ni Estrada na si dating Pangulong Joseph Estrada ay napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng mga kilos protesta noong 2001.
Meanne Corvera