Senador Imee nanindigang walang alam sa insertion ng budget ng Kamara
Nanindigan si Senador Imee Marcos na wala itong alam sa isiningit na budget ng Kamara o ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Tinukoy ni Marcos ang P26.7 billion na isiningit sa budget ng DSWD para sa kanilang programang AKAP sa 2024 National budget.
Ang AKAP ang isa sa sinasabing ginamit at ipinang-alok na ayuda ng mga Kongresista sa mahihirap na kababayan kapalit ng pirma sa People’s Initiative.
Sinabi ni Marcos na siya ang humawak sa budget ng DSWD noong hinihimay pa ito sa Committee level at plenaryo ng Senado pero wala ito sa budget.
Ipinasok aniya ito ng mga Kongresista sa Bicameral Conference Committee o sa final version ng budget.
Iginiit ni Marcos na wala silang nagawa sa budget dahil ayon aniya sa mga Kongresista hindi sila dapat makiaalam sa House insertion.
Meanne Corvera