Senador Juan Miguel Zubiri at Alan Peter Cayetano, nagkainitan sa sesyon ng Senado
Muntik nang magpang-abot sina Senador Juan Miguel Zubiri at Alan Peter Cayetano.
Ito ay matapos pumalag si Senador Zubiri nang biglang isingit ni Cayetano ang pagtalakay sa concurrent resolution na nananawagan na magamit ng mga residente ng Embo barangays sa Taguig ang kanilang karapatang bumoto para sa kanilang congressional representative sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Zubiri, wala sa agenda ang resolusyon.
Bukod dito ay hindi naipaliwanag sa mga senador kung ano ang nilalaman ng limang pahinang resolusyon.
Aniya, bakit kung kailan gabi na ay saka isisingit ang pagpapatibay sa resolusyon.
Pero sinabi ni Cayetano, simpleng resolusyon lang iyon at hindi na kailangang pagdebatihan pa.
Pangamba niya, baka hindi na maipasa ang resolusyon dahil huling araw na ngayon ng sesyon.
Dahil dito ay pansamantalang sinuspinde ang sesyon at nawala ang live video feed.
Pero nakunan ng video ng mga nasa plenaryo ang matinding sigawan ng dalawa at nagkaroon pa ng hamunan.
Ang dalawa ay inawat ng tumatayong Majority leader kagabi na si Senador JV Ejercito.
Napatakbo rin sa plenaryo si Senate Sgt. at Arms Roberto Ancan, habang si Senadora Pia Cayetano naman ang humila, umawat at yumakap sa kaniyang kapatid.
Pagkatapos ng ilang paliwanagan, nagsorry sa isa’t-isa ang dalawang mambabatas at pinagtibay din ang naturang resolusyon.
Ayon kay Zubiri, pumayag na siya na i-adopt ito dahil naipaliwanag naman na hindi lilikha ng bagong distrito, sa halip ay paghahayag lang ito ng sense of the senate na dapat payagang makaboto ang mga taga Embo barangays para sa congressional representative.
Meanne Corvera