Senador, kinalampag ang MMDA, DPWH dahil sa perwisyo ng baha sa NCR
Kinalampag ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa napakabilis ng pagbaha sa Metro Manila habang napakabagal naman nang paghupa.
Ayon kay Revilla, Chairman ng Senate Committee on Public Works, dapat alamin ng mga tanggapang ito kung saan nagmumula at ano ang dahilan ng mabilis na pagtaas ng tubig-baha.
Taliwas kasi aniya ito sa pahayag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Senado nito lamang Marso na handang-handa ang kanilang ahensiya sa tag-ulan at 100 percent na umano ang capacity ng mga pumping station sa buong National Capital Region (NCR).
Sabi ni Revilla, maraming lugar sa Metro Manila ang lumubog muli sa baha na nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko at matinding perwisyo sa maraming motorista.
Ayon sa Senador, hindi maiiwasan ang baha kung malakas ang ulan pero dapat ay mabilis ding humupa kapag tumigil na ang ulan pero taliwas ito sa nangyari sa nakalipas na dalawang araw.
Tukoy naman aniya ng DPWH at MMDA ang mga lugar na madalas binabaha kaya dapat alam din nila ang gagawing aksyon.
Meanne Corvera