Senador Koko Pimentel, nagpasya ng bumaba bilang Senate President at ini-nominate si Majority leader Senador Tito Sotto bilang kapalit nito
Nagbitiw na si Senador Aquilino Koko Pimentel bilang Senate President.
Ang pagbibitiw ay ginawa ni Pimentel kasunod ng inilabas na resolusyon na pirmado ng 15 Senador na humihiling na magkaroon ng reorganisasyon sa Senado at maitalaga si Senate majority leader Vicente Sotto bilang bagong Senate President.
“It has been an honor and a priviledge for me to serve the Senate as its President. A position once held by my father he served the Senate with dignity always staying true to his principles and consistently putting the interest of our nation before his and it was his example I had tried to emulate during my time at the helm of the Senate”.
Sabi ni Pimentel wala siyang sama ng loob sa mga kasamahan katunayang mananatili sya sa Majority block.
Bagamat may mga Senador na hindi aniya kuntento sa kaniyang liderato, normal aniya ang ganitong sitwayon sa alinmang organisasyon.
Matagal na rin aniya nilang pinag usapan ni Sotto ang reorganisasyon sa Senado at dahil na rin sa papalapit na 2019 Midterm elections.
“It’s a normal feeling. Ganito kasi yan eh. Normal. We should always be open to change. Change can happen anytime. The only way to improve is if we are willing to embrace change. Yan na lang po ang attitude namin”.
Pinasalamatan din ni Pimentel ang mga kapwa Senador at mga sumuporta sa kaniya sa panahon ng pamumuno sa Senado sa nakalipas na dalawang taon.
Dahil aniya sa suporta ng mga kasamahan, naipasa ang mahahalagang panukalang batas kabilang na ang libreng tuition fee at irigasyon para sa mga magsasaka.
Ayon kay Pimentel, panatag siyang bababa dahil alam niya ang kalidad ng trabaho ng papalit sa kaniya.
“I wish my successor Senator Sotto good health, and God speed and pledge to help the new leadership pass pro people legislation consistent with the legislative agenda of the President”.
Mismong si Pimentel ang tumayo para i-nominate si Sotto.
Samantala, naitalaga naman si Senador Juan Miguel Zubiri bilang bagong majority floor leader kapalit ni Sotto.
Ulat ni Meanne Corvera