Senador Lacson, binuweltahan ng minorya sa Kamara kaugnay sa isyu ng pork barrel 

Wala umanong alam si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa trabaho at sitwasyon ng mga kongresista bilang kinatawan sa Kongreso.

Ito ang buwelta ni House minority leader Danilo Suarez kasunod ng ibinunyag ng Senador na may 2 kongresista umano ang nakatanggap ng bilyon bilyong pisong pork barrel sa 2019 National budget.

Paliwanag ni Suarez iba ang sitwasyon ng mga Kongresista na direktang nilalapitan ng kanilang mga constituent para sa kanilang pangangailangan.

Sila din aniya ang nakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno para maipatupad ang mga proyekto sa kanilang distrito gaya ng farm-to-market roads, classroom, at multi-purpose halls.

Giit naman ni AKO Bicol Rep. Alfredo Garbin, mali ang ginagawa ni Lacson na pagtawag sa nasabing pondo bilang pork barrel.

Taliwas aniya sa mga nakaraan, hanggang pagbusisi ng budget at pagtiyak na nagagamit ito ng tama na lamang ang maaari nilang gawin.

Pagdating aniya sa pag-award at bidding ng mga proyekto halimbawa ay wala namang pakialam ang mga kongresista.

Bukod rito, bawat distrito aniya ay magkakaiba ng pangangailangan kaya magkakaiba rin ang halaga ng pondo na napupunta rito.

Maaaring kaya may mga distrito  na malalaki ang alokasyon para sa 2019 ay dahil sa napagkaitan ito ng pondo sa nakalipas na administrasyon at natengga ang mga proyekto rito na ngayon lang maisasakatuparan.

 

Ulat ni Madz Moratillo

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *