Senador Leila de Lima, itinuro na ring tumatanggap ng pera mula sa money-making activities sa Bucor
Idinetalye ng dalawang panibagong testigo ng Senado ang ibat-ibang anomalya o mga money making activities sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa.
Sa ikalimang pagdinig ng Blue Ribbon at Justice Committee, sinabi ni dating Bucor OIC Director Rafael Ragos na wala pang GCTA for sale, nadatnan nya na ang iba-ibang pagkakakitaan sa Bucor.
Kabilang na rito ang prostitusyon, kidnap for ransom, sugal at pagpasok ng ibat-ibang kontrabando na maaring pagkakitaan.
Former Bucor OIC Director Rafael Ragos :
“Marami pong unusual transactions sa maximum security, nakakapagpapasok sila dyan ng babae sa mga high profile inmates enjoy sila roon, dancers, entertainers at after a while nagiging girlfriend at asawa nila. 30,000 ang rate magdamag”.
May nagaganap rin aniyang sabwatan sa mga prison guards at mga bilanggo para makapagsagawa ng kidnapping sa ilang mayayamang Chinese nationals kung saan sa Bilibid pa nangyayari ang transaksayon.
Mayroon pa aniyang isang gusali doon na halos 24 oras ang sugalan kung saan napakaraming pera kaya ang sugal magdamagan.
May pagkakataon rin aniya na gumagawa sila ng pera sa pamamagitan ng pangongolekta o pagtatakda ng tara sa mga bilanggo para ibigay na pasalubong sa mga dumarating na opisyal.
Isa sa itinurong nakinabang o tumanggap ng tara sa Bucor si Senador Leila de Lima na dating kalihim ng DOJ.
Ayon kay dating NBI investigator Jovencito Ablen Jr., tintawagan siya ni Ragos at dinaanan siya sa bahay at dala nito ang umano’y quota o isang bag na may lamang 5 milyong piso piso para sa tinatawag nilang “lola” na ibinunyag niyang si Senador Leila de Lima.
Pagpasok aniya nila sa gate ay naroon na nakaabang si Ronnie Dayan na kilalang driver at naging lover ni De Lima.
Sina Ragos at Ablenay nasa ilalim ngayon ng witness protection program ng DOJ matapos tumestigo sa drug cases ni De Lima.
Ulat ni Meanne Corvera