Senador Loren Legarda at Panfilo Lacson, nagkainitan sa budget deliberations
Nagkasagutan sa budget deliberations sa Senado sina Senador Panfilo “Ping” Lacson at Loren Legarda sa isyu ng pork barrel insertions.
Ipinatatanggal kasi ni Lacson ang tig 1.5 billion pesos na isiningit ng dalawang kongresista sa 3.8 trillion National budget para sa 2019.
Hindi pa pinangalanan ni Lacson ang dalawang mambabatas pero karamihan ng proyekto na tutustusan ng pork barrel ay sa distrito ni House speaker Gloria Arroyo.
Ayon kay Lacson, mahigpit na ipinagbabawal sa desisyon ng Korte Suprema ang insertions na aniya’y ginawa habang itina-transmit sa Senado ng Kamara ang pondo.
Nagkaroon rin aniya ng Grave Abuse of Discretion dahil naglaan ng alokasyon sa mga distrito ng mga Kongresista nang hindi kinokonsulta ang mga ahensyang pagdadaanan ng pondo.
Pero ayon sa Chairman ng Finance Committee na nagdedepensa sa budget, wala siya sa posisyon para magsalita para sa mga Kongresista.
Pero bilang mga mambabatas, meron aniya silang Power of the Purse o kapangyarihan na maglipat magtanggal at magdagdag ng pondo sa isang ahensya na sa tingin nila ay nangangailangan ng pondo.
Matapos ang sagutan ng dalawa, sinuspinde ang sesyon at pagbalik ay na- divert na ang isyu sa uspain ng inflation rate.
Ulat ni Meanne Corvera