Senador Manny Pacquaio , namumulitika na sa pagnanais na imbestigahan ang DOH – Malakanyang
Inakusahan ng Malakanyang si Senador Manny Pacquiao na politika ang dahilan kaya nais paimbestigahan ang umano’y katiwalian sa Department of Health o DOH kaugnay sa paggastos sa pondo para sa pagharap sa pamdemya ng COVID 19 sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na naipaliwanag na ni Health Secretary Francisco Doque III sa imbestigasyon ng Senado kung saan at paano ginastos ang pondo na laan para sa paglaban sa COVID-19 tulad ng pagbili ng mga personal protective equipments o PPE ng mga medical personnel, medical equipments sa mga hospital ganun din ang inutang na pera sa mga international financial institutions na ipinambibili ng anti COVID- 19 vaccine.
Ayon kay Roque hindi niya alam kung present o absent si Senador Pacquiao noong mag-imbestiga ang Senado o kaya ay abala ang isip ng mambabatas sa ibang isyu habang isinasagawa noon ang pagdinig.
Inihayag ni Roque na walang nakitang katiwalian sa imbestigasyon ng Senado sa DOH kaya walang kasong naisampa kay Secretary Doque.
Naniniwala si Roque na politika ang ugat ng pagsasalita ni Pacquiao laban sa Duterte administration sa isyu ng kurapsyon dahil sa ambisyon nito na tumakbong Presidente sa 2022 elections.
Magugunitang hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Pacquiao na pangalanan ang ahensiya at opisyal ng gobyerno na sinasabi niyang sangkot sa korapsyon.
Bilang tugon binanggit ni Pacquiao ang DOH na pinamumunuan ni Secretary Duque na dapat magpaliwag kung paano ginastos ang pondo para sa paglaban sa pandemya ng COVID 19.
Vic Somintac