Senador Panfilo Lacson, wala nang balak imbestigahan ang mga alegasyon ni Bikoy
Binawi na ng Senate Comittee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbitasyon sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para iharap si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy sa imbestigasyon sa Biyernes sa kaso umano ng illegal drug trade.
Ayon kay Senador Ping Lacson, chairman ng komite, nasabi na ni Senate President Vicente Sotto ang lahat ng detalye tungkol kay Bikoy.
Wala na aniyang dahilan para busisiin pa ito ng Senado dahil malinaw na gawa-gawa lamang ang kaniyang alegasyon at niloloko lang ni Bikoy ang publiko.
Nakuha aniya nito ang atensyon ng publiko dahil idinawit na si Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng kanilang pamilya.
Sinabi ni Lacson na ipinadala na nila ang mga notice sa mga opisyal ng gobyerno para sa kanselasyon ng pagdinig.
Iginiit rin ni Lacson na wala nang dahilan para alamin pa kung sino ang nasa likod ni Bikoy dahil hindi naman na dapat paniwalaan ang kaniyang mga alegasyon.
Sa ngayon, ipauubaya na umano ng Senado sa Department of Justice at mga otoridad ang magiging aksyon laban kay Advincula.
Ulat ni Meanne Corvera