Senador Richard Gordon, nag-sorry sa sinapit ni PNP Chief General Albayalde…paglilinis sa hanay ng PNP, inirekomenda ng Senador
Humingi ng paumanhin si Senador Richard Gordon sa pagbibitiw at napaagang pagbaba sa puwesto ni Philippine National Police chief Oscar Albayalde dahil sa isyu ng Ninja cops.
Sinabi ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee na hindi nila inaasahang mauungkat ang ganito kalaking kaso sa PNP.
Pero magandang pagkakataon rin aniya ito para makapamili pa ang Pangulo kung sino ang karapat-dapat na maupo sa puwesto.
Sa pamamagitan rin aniya nito ay hindi na maiimpluwensyahan ni Albayalde ang imbestigasyon sa mga Ninja cops, hulidap o pinaiikot na droga at malinis ang hanay ng pambansang pulisya.
Pero kahit nag-resign na sa puwesto, tiniyak ni Gordon na mahaharap pa rin sa si Albayalde sa mga kaso.
Kailangan aniya itong managot sa kaso kaugnay ng iniimbestigahang Ninja cops.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado, una nang itinuro ni Retired General Rudy Lacadin si Albayalde na tumawag noon sa kaniya at umaming nakakuha ng maliit na bahagi sa nangyaring drug raid sa Mexico, Pampanga.
Kasanay nito, umapila si Gordon sa PNP na itigil na ang nakaugaliang pagbibigay proteskyon sa mga kaklase o loyalty sa mga kapwa opisyal.
Kailangan aniyang managot sa batas ang sinumang nagkasala o nagbigay protesyon sa mga iligal na aktibidad gaya ng ginawang Hulidap at Agaw- bato ng mga Ninja cops.
Ulat ni Meanne Corvera