Senador Tito Sotto, itatalagang Senate president ngayong taon
Posible umanong magkaroon ng balasahan sa liderato ng Senado ngayong taon.
Kinumpirma ni Senator Panfilo Lacson na may nauna nang kasunduan na papalitan ni Senate majority leader Vicente Sotto III si Senate President Aquilino Pimentel na posibleng mangyari pagkatapos ng State of the Nation o SONA ng Pangulo sa Hulyo o sa Oktubre.
Sa Oktubre ang inaasahang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbo para sa midterm elections sa May 2019.
Ayon kay Lacson irerespeto nila anuman ang mabubuong kasunduan o sinuman ang maitatalang mga susunod na lider ng Senado.
Inaasahan na kasi aniya na kapag pinalitan ang Senate leadership otomatikong maidedeklarang bakante ang lahat ng posisyon sa senado maliban na lamang kung magkakaron ng kasunduan na hindi na palitan ang mga chairman ng komite.
Sen. Lacson:
“Yung Senate leadership or any leadership is only as good as the people supporting that leadership. Of course siya ang baton, siya ang conductor. Walang masyadong magche-change. Sa akin, ako being chairman of the committee on accounts maski panahon ni SJPE I’m always after the welfare of the rank and file, alam ng Senate employees yan. Laging dapat nauuna sa benefits ang rank ad file ng employees. Ang senators ang last, sa bandang huli, pagdating ng benepisyo”.
Pero itinanggi ni Pimentel na may nabuo na silang kasunduan ni Sotto hinggil sa pagpapalit ng liderato.
Pero agad umano siyang magpapatawg ng majority caucus pagbalik nya sa bansa o bago ang pagbubukas ng sesyon sa May 15.
Handa naman umano si Sotto na tanggapin ang posisyon sakaling i-alok sa kanya ang posisyon.
Pero idadaan pa aniya ito sa konsultasyon ng majority block.
Sen. Sotto:
“More or less may mag kasama kami na ikinoconsider ako..I am open to that if they will give it to me. Sino ba nman ako para tumanggi”.
Ulat ni Meanne Corvera