Senador Tito Sotto, muling nahalal na Senate President
Gaya ng mga naunang kasunduan, wala nang nangyaring drama, sorpresa o agawan sa pwesto sa Senado sa pagbubukas ng 18th Congress.
Muling naitalaga si Senador Vicente Sotto bilang lider ng Senado matapos inominate nina Senador Juan Miguel Zubiri at Senador Ralph Recto sa pamamagitan ni Senator Pia Cayetano.
Para kay Zubiri, kahanga-hanga ang disiplina at ipinairal na demokrasya ni Sotto sa kaniyang legislative career.
Nagpakita rin anila si Sotto ng kaniyang mastery sa parliamentary skills kaya nakuha ang suporta ng mayorya ng mga Senador.
Wala nang ibang Senador na humamon o tumakbo sa posisyon na pagka Senate President.
Mayorya sa mga Senador ang bomoto para kay Sotto sa pamamagitan ng Viva voce.
Nag-abstain naman sa botohan sina Senators Franklin Drilon, Risa Hontiveros at Francis Pangilinan na mapapabilang sa oposisyon.
Agad namang nanumpa sa pwesto si Senador Sotto na kasama ang kaniyang maybahay na si Helen Gamboa at kanilang mga anak.
Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat si Sotto sa mga kapwa Senador
Bukod kay Sotto, muling naitalaga sina Senador Ralph Recto bilang Senate President pro tempore at Senador Juan Miguel Zubiri bilang majority leader at Chairman ng Committee on Rules.
Mananatili naman bilang minority leader si Senador Franklin Drilon.
Hindi naman nakaboto sina Senador Leila de Lima na kasalukuyang nakakulong at si Senador Emmanuel Pacquaio na hindi nakauwi mula sa Estados Unidos dahil sa pananakit ng kanyang mata matapos ang laban kahapon.
Ulat ni Meanne Corvera