Senate Committee on Women, Children and Family Relations, nakikipag-ugnayan sa korte upang mapaharap sa korte ang umano’y POGO big boss
Nakikipag-ugnayan na sa korte ang Senate Committee on Awomen, Children and Family Relations, upang mapaharap sa imbestigasyon ng senado ang umano’y big boss o kingpin ng mga POGO at hinihinalang konektado sa nasibak na si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros na chairman ng komite, dudulog din sila sa ahensiyang may kustodiya sa Chinese national na si Lyu Dong, na una nang naaresto sa Binan, Laguna noong nakaraang linggo para iharap ito sa senado.
Sa ulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, nagtayo si Lyu Dong ng mga ilegal na POGO o scam farms sa Regions 1, 3, 4 at Metro Manila, mula nang dumating sa bansa noong 2016.
Kabilang umano sa itinayo o pinatakbo nito ang ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga na nadiskbureng may human trafficking at scamming activities.
Umaasa ang mga senador na sa pagkakadakip kay Lyu Dong, ay may makakalap pa silang mahahalagang impormasyon upang matunton at madakip ang iba pang dayuhang sangkot sa illegal POGO operations.
Pipigain din si Lyu Dong para tukuyin ang mga Pilipino at mga taga gobyerno na nakipagsabwatan o komunsinti sa illegal POGO operations sa bansa.
Meanne Corvera