Senate President Koko Pimentel nagbigay ng mataas na grado sa unang taon ng termino ni Pangulong Duterte
Binigyan ng mataas na grado ng liderato ng Senado ang unang isang taon sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
8.5 hanggang 9 ang ibinigay na grado ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel sa Pangulo dahil sa aniya’y matagumpay na kampanya laban sa iligal na droga.
Katunayan ayon kay Pimentel, dahil sa Oplan Tokhang at war on drugs nabawasan ang krimen sa bansa.
Pero inamin ni Pimentel na nakakabahala ang pagtaas ng bilang ng extra judicial killings na aniya’y hindi pa rin nareresolba ng Philippine National Police.
Bukod sa crime rate, naramdaman rin aniya ang pagbabago sa foreign policy ng administrasyon dahil sa pagiging masigasig ng Pangulo sa kabila ng kaniyang edad.
“Pagdating po sa war on drugs, alam na ng tao na priority ito, and ang balita namin, there is a reduction of crimes in the country. Yan po ang datos ng PNP,“However, ang sinasabi ko nga, but I also notice, and ako I am personally alarmed with what I read and what I hear about killings”. – Sen. Pimentel
Ulat ni: Mean Corvera