Senate President Sotto, nagpaliwanag sa umano’y proteksyon kay Senador Trillanes
Nilinaw ni Senate President Vicente Sotto III na hindi niya kinukwestyon ang pagpapawalang bisa ni Pangulong Duterte nang payagan si Senador Antonio Trillanes na mamalagi sa Senado.
Ayon kay Sotto, wala siya sa posisyon para sabihin kung legal o hindi ang pagpapawalang bisa sa amnestiya sa pamamagitan ng Proclamation 572.
Iginiit ni Sotto na ipinatutupad lang nila ang Rules at Policy ng Senado na wag payagang arestuhin ang isang miyembro sa loob ng Senado.
Matagal na aniya itong patakaran na nagsimula pa noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino at kailangan nilang protektahan ang Senado bilang isang institusyon.
Pero kung may nailalabas aniyang Warrant of Arrest ang Korte laban kay Trillanes maari nila itong kausapin para lumabas sa senado at doon isagawa ang pag-aresto gaya ng nangyari kay Senador Leila de Lima.
Ulat ni Meanne Corvera