Senate president Vicente Sotto, magbibitiw kung mapatunayan ang paratang laban sa kaniya
Handang magbitiw sa pwesto at magpabaril sa Luneta si Senate president Vicente Sotto III.
Ito’y kung mapapatunayan na totoo ang ulat na pini-pressure niya ang mga kasamahang Senador na lumagda sa Committee report ng Blue ribbon committee na nagrerekomenda na kasuhan si Pangulong Duterte at mga opisyal ng DOH at PSDBM dahil sa umano’y anomalya sa paggastos ng COVID response fund.
Tinawag na fake news ni Sotto ang ulat at iginiit na hindi niya kinausap ang sinumang Senador hinggil dito.
Paano niya raw ipupursige ang palagdaan ang report na siya mismo ay hindi pa nabasa at nalagdaan.
Nauna nang umapila si Sotto sa National Telecommunications Commission na imbestigahan at ipatigil ang paggamit ng mga text messages sa mga black propaganda para siraan ang mga personalidad at grupo lalo ngayong panahon ng kampanya.
Nauna nang kumalat ang mga text messages kung saan pinipilit umano niya at ni Senador Richard Gordon ang mga kasamahan na lumagda sa report.
Pero giit ni Sotto, ginagawan siya ng isyu para sirain lang ang pagkakaibigan nila ng pangulo.
Bago mag- adjourn ang Kongreso nitong Pebrero hindi pa natalakay sa plenaryo ang naturang
Committee report.
Hindi pa kasi ito nakakuha ng sapat na suporta dahil walo pa lamang sa 20 miyembro ng Blue ribbon committee ang lumagda ng pagsuporta.
Meanne Corvera