Senate security ni Sen. de Lima ipinababalik ng LP
Hiniling ni Liberal Party President Senator Francis Pangilinan kay Senate President Koko Pimentel na ibalik ang security na ibinigay ng Senado kay Senadora Leila de Lima na nakaditine sa Philippine National Police o PNP Custodial Center.
Nauna nang sinabi ni Pimentel na walang saysay ang Senate Security kay de Lima dahil limampung metro naman ang pinahihintulutan ng PNP na layo nito mula sa detention cell ng Senadora.
Pero giit ni Pangilinan, dapat magkaroon ng negosasyon ang Senado na makalapit ang Senate security.
“Dapat nag-negotiate na makalapit ang OSAA, hindi yung 50 meters away”. – Sen. Pangilinan
Ayon kay Pangilinan, nangangamba sila dahil walang katiyakan na ligtas si de Lima sa poder ng PNP.
Inihalimbawa ni Pangilinan ang pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. kahit pa ito ay nasa loob ng bilangguan at ang nangyaring brutal na pagpatay kay South Korean businessman Jee Ick Joo sa loob mismo ng Kampo Krame.
Ulat ni: Mean Corvera