Senator Ping Lacson hinahanap ang mga COVID vaccine , utang ng bansa para dito umabot na raw sa P 129-Billion
Pinagpapaliwanag ni Senator Ping Lacson ang Inter Agency Task Force kung nasaan na ang mga bakuna laban sa COVID- 19.
Ayon kay lacson, nasa mahigit 126 bilyon na ang naaprubahang utang ng bansa para sa pagbili ng bakuna.
Pero bukod sa donasyon ng Tsina at COVAX, wala pa raw dumarating na bakuna na nabili mula sa mga pondo ng inutang ng gobyerno mula sa World Bank at Asian Development Bank.
Sa research ng Senador, kasama sa mga naaprubahang loan ng Pilipinas ay:
* April 20, 2020: US$100M
* May 28, 2020: US$500M
* Dec 16, 2020: US$600M
* Mar 12, 2021: US$500M
* March 2021: US$400M
* March 2021: US$300M
Bukod pa rito ang P10 Billion budget na nasa ilalim ng Department of Health sa inaaprubahang Bayanihan Law.
Nilinaw ng mambabatas na hindi niya hinahanap ang naturang pondo dahil tiniyak naman ng DOF na ang perang inutang ay diretsong mapupunta sa mga supplier.
Ayon pa kay Lacson, naging maagap umano ang DOF sa paghahanap ng pondo upang makuha ng bansa ang tsansang mapabilang sa mga mapapauna sa mga bakuna subali’t hindi naman ginawa ng IATF ang kanilang responsibilidad.
Nauna nang sinabi ng IATF na target ng Gobyerno na makapagturok ng 450 libong mga bakuna araw araw pero hindi raw ito nangyayari.
Meanne Corvera