Senatoriable Sherwin Gatchalian, sinibak sa Senatorial slate ng tambalang Lacson at Sotto
Sinibak na si Senatoriable Sherwin Gatchalian sa Senatorial slate ng tambalang Lacson at Sotto.
Ito’y dahil sa pag-eendorso niya ng ibang Presidential candidate sa eleksyon sa Mayo.
Ayon kay Senador Ping Lacson, malinaw sa kanilang kasunduan na maaring sumama at mangampanya ang kanilang mga kandidato sa pagka Senador.
Pero hindi sila maaring magdeklara ng ibang susuportahang kandidato nilang respeto
Iginiit ni Lacson na may itinakda silang standard sa sinumang mga sasama sa kanilang mga kampanya.
Mas pinili raw ni Gatchalian ang ibang set of advocacies pero para sa kanilang mga tambalan ni Sotto mayroon silang prinsipyo at gentlemans agreement at ito ay non negotiable.
Bukod kay Gatchalian, nauna nang tinanggal sa kanilang line up si dating Mayor Herbert Bautista.
Ayon kay Vice Presidential candidate Vicente Sotto III na siya ring Chairman ng Nationalist Peoples Coalition kung saan kabilang sina Bautista at Gatchalian, wala pa naman silang pinag-uusapang maaring sanction sa mga kapartido na nag endorse ng ibang kandidato.
Sa susunod na linggo nagpatawag na aniya ng meeting ang NPC para talakayin ang lahat ng isyung may kinalaman sa pulitika.
Sa isang statement sinabi ni Gatchalian na iginagalang niya ang desisyon nina Lacson at Sotto.
Humingi rin siya ng paumanhin sa hindi nila pagkakaintindihan.
Bukod kay Senador Win Gatchalian, nagbitiw sa NPC para sumama sa Uniteam ng Marcos-Duterte si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.
Bagamat normal na umano sa pulitika sa Pilipinas ang mga tinaguriang political butterfly at pamamangka sa dalawamg ilog mahalaga pa rin ang loyalty at integridad ng mga kandidato para makakuha ng boto ng publiko.
Meanne Corvera