Senatorial aspirant Atty. Larry Gadon, sinampahan ng reklamo sa piskalya ng isang mamamahayag kaugnay sa viral video
Pormal nang ipinagharap ng reklamo sa piskalya ng mamamahayag na si Raissa Robles si senatorial aspirant Atty. Lorenzo “Larry” Gadon.
Ang reklamo ay nag-ugat sa viral video ni Gadon kung saan pinagmumura nito si Robles.
Mga reklamong paglabag sa Safe Spaces Act, libel at cyber libel ang inihain ni Robles sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Gadon.
Ayon kay Robles, dehumanizing, misogynistic at sexist ang mga pahayag at aksyon ni Gadon sa video na maaaring maparusahan sa ilalim ng Safe Spaces Act.
Dapat din aniyang papanagutin si Gadon ng libelo at cyber libel dahil naman sa Facebook video nito na pinaratangan siya na nagpapakalat ng fake news.
Una nang pinatawan ng preventive suspension si Gadon ng Korte Suprema dahil sa nasabing insidente.
Nahaharap din si Gadon sa iba pang disbarment case sa Supreme Court.
Moira Encina