Senior citizens at mga Immunocompromised, puwede nang magpa-booster shot
Simula ngayong araw, maaari nang magpaturok ng booster ng Covid-19 vaccine ang mga Senior Citizen at mga indibidwal na Immunocompromised.
Sinabi ng Department of Health na kabilang sa immunocompromised na puwede nang bigyan ng 3rd dose ng bakuna ay ang mga may immuno-defiency state, may HIV, may cancer, transplant patients, at mga pasyente na sumasailalim sa immunosuppressive treatments.
Paalala naman ng DOH, ang mga puwede lang magpa-booster ay iyong may anim na buwan na mula ng maturukan ng ikalawang dose ng Sinovac, Astrazeneca, Pfizer, Moderna at Sputnik-V habang 3 buwan naman kung Janssen vaccine.
Ang mga bakuna na gagamitin para sa booster shot ay Sinovac, Astrazeneca, Pfizer, at Moderna.
Puwede rin naman silang magpaturok ng kaparehong brand ng kanilang primary vaccine o di kaya ay ibang brand.
Kung ang kanilang primary vaccine ay Sinovac, puwede para sa booster ang Sinovac, Astrazeneca, Pfizer, at Moderna.
Pero kung ang primary vaccine ay Astrazeneca, Pfizer, Moderna, Sputnik-V at Janssen, ang puwede lang para sa booster ay Astrazeneca, Pfizer, Moderna at hindi puwede ang Sinovac.
Muli namang nagpaalala ang DOH na hindi pa puwede sa general population ang booster shot.
Madz Moratillo