Serbia, sinimulan nang magbakuna ng Chinese-made Sinopharm
BELGRADE, Serbia (Agence France-Presse) — Inilunsad na ng Serbia ang maramihang COVID-19 vaccination campaign at naging kauna-unahang bansa sa Europa na gumamit ng Chinese-made Sinopharm vaccine.
Sinabi ni Health Minister Zlatibor Loncar, isa sa unang dalawang binigyan ng bakuna, na ito lamang ang tanging paraan para makabalik sa normal na buhay.
Ayon pa kay Loncar, ang pagtanggap ng bakuna sa virulogy institute sa Belgrade ay isinapubliko sa pamamagitan ng live television broadcast upang ipakita na ito ay siguradong ligtas at walang dahilan upang mangamba.
Nitong Sabado ay natanggap na ng Serbia ang isang milyong doses ng Sinopharm vaccine. Ito na ang ikatlong coronavirus vaccine na ginamit sa Serbia, kasunod ng Pfizer-BioNTech at Sputnik V ng Russia.
Una nang inanunsyo nitong Martes ni President Aleksandar Vucic ang pagsisimula ng kampanya para sa maramihang pagbabakuna at sinabing ang mga bakuna ay ibibigay sa may 300 lugar sa pinakamalalaking syudad sa Serbia.
Si Vucic ay babakunahan ng Sinopharm vaccine ngayong weekend.
Sinabi ni Prime Minister Ana Brnabic, na ang Serbia ay nagpa-reserve ng halos 1,055,000 doses ng tatlong uri ng bakuna at magdaragdag pa ng anim na milyong doses.
Sa datos ng AFP na nakabatay sa official sources, lumilitaw na ang Serbia ang unang bansa sa Europa na gumamit ng Sinopharm vaccine.
Ang European Union-candidate country na may magandang relasyon pang- ekonomiya at pampulitika sa Moscow at Beijing ay nagsimulang magbakuna ng Pfizer-BioNTech noong December 24 kung saan isa rito si Brnabic.
Kalaunan ay nag-import na rin ito ng Sputnic V ng Russia.
Ayon sa Sinopharm, ang kanilang bakuna ay 79 percent effective laban sa novel coronavirus.
Samantala, ang isa pang Chinese-made vaccine, ang CoronaVac ng Sinovac ay sinimulan namang ipamahagi sa Turkey nang nakalipas na linggo.
Ang Serbia ay nakapagtala ng halos 380,000 infections at higit 3,700 naman ang nasawi dahil sa COVID-19.
Sa kalagitnaan ng Enero, nasa 20, 500 residente ng retirement homes at health sector employees ang tapos nang bakunahan.
Liza Flores