Sertipikasyon bilang urgent ang panukala para sa Department of Disaster Resilience, iminungkahi kay PBBM
Umaapila si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Malacañang na sertipikahan bilang urgent bill ang panukalang Department of Disaster Resilience.
Layon nitong mas mabilis na mapagtibay ang panukala para matiyak ang mas maayos na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Nababahala ang mambabatas sa sunud-sunod na kalamidad gaya ng pag-a-alburuto ng Bulkang Mayon sa Albay at ang nangyaring 6.2 magnitude na lindol sa Batangas nitong Huwebes, June 15, na naramdaman din sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Naniniwala si Go na kailangang may iisang tanggapan na tutugon at agad aaksyon sakaling may tumamang kalamidad.
Ang panukala ay nasa committee level pa lamang ng Senado.
Umapila naman si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla sa publiko na huwag balewalain ang mga earthquake drills
Sa pamamagitan kasi ng mga drills, ayon kay Revilla, mabibigyan ng tamang impormasyon ang publiko kung saan pupunta na ligtas na lugar at huwag mag-panic tuwing may lindol.
Meanne Corvera