Sesyon ng Senado sa Lunes, face-to-face na
Simula sa Lunes, magiging face-to-face na ang gagawing sesyon ng Senado at hindi na papayagan ang Plenary session online.
Ginawa ang hybrid sessions noong 2020 sa kasagsagan ng pananasala ng Covid-19 Pandemic kung saan maraming Senador ang nagpositibo at may mga empleyadong namatay dahil sa Pandemya.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto na nagpasa sila noon ng rules na maaari ang hybrid dahil sa nangyaring health emergency.
Pero ngayong mababa na ang kaso ng Covid-19, inoobliga na ang mga Senador na dumalo ng sesyon sa Plenaryo.
Bukod dito, 3 araw na lang aniya ang nalalabi sa sesyon ng 18th Congress dahil sa June 3 ay sine die adjournment na.
Kailangan aniyang ipakita sa publiko na ang mga mambabatas ay pisikal na nagtatrabaho at tumutupad sa ibinigay na mandato sa kanila ng publiko.
Samantala, sa susunod na linggo ay nakatakdang pagtibayin ng mga Senador sa final reading ang iba pang priority bills ng Duterte administration.
Ito na rin ang pagkakataon para sa valedictory speech ng mga Senador na may huling termino at mga hindi pinalad na makabalik sa Senado sa katatapos na halalan.
Meanne Corvera