Shoot to Kill order at curfew sa Zamboanga City, walang katotohanan- Task Force Zamboanga
Nanindigan si Joint Task Force Zamboanga Commander Col. Leonel Nicholas na walang katotohanan ang mga kumalat na text messages, maging sa Social Media kaugnay sa umano’y curfew at shoot to kill order sa mga taong maabutan sa kalsada o labas ng bahay, mula 9:30 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Ayon sa opisyal, nililito lamang ng mga walang kuwentang tao ang publiko gamit ang mga text messages at Social Media para takutin kahit hindi beripikado ang mga nasagap na impormasyon.
Ayon kay Nicholas, kontrolado nila ang kasalukuyang sitwasyon sa buong lungsod at walang dapat ipangamba ang publiko sa kabila ng pagsabog sa katedral sa Jolo, Sulu.
Gayunpaman, nagpakalat pa rin ng mga numero ang pamahalaang lungsod ng Zamboanga sa mga Barangay at mga Liwasang bayan, para agad na makatawag sa otoridad ang sinuman, kung sakaling mayroong mga kahina-hinalang tao o grupo na mapadpad sa kanilang lugar.
Ulat ni Ely Dumaboc