Si Jose Rizal at ang piso
Kung si Jose Rizal ay Pambansang Bayani ng Pilipinas, bakit sa pisong barya lang nakalagay ang kanyang larawan? Mas mababa ba ang pagpapahalaga natin kay Rizal dahil ang halaga niya ay piso, habang ang ibang bayani ay nasa salaping papel na mas mataas ang presyo?
Masasagot natin ang katanungang ito sa pamamagitan ng pagbabalik tanaw sa kasaysayan.
Kailan ba unang inilagay ang larawan ni Rizal sa one-peso coin?
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, unang lumabas ang imahe ni Dr. Jose Rizal sa pera noong 1925 bilang bahagi ng Culion Leper coins na ginamit ng mga naninirahan sa Culion Leper Colony sa Culion, Palawan.
Ang Culion Leper Colony ay itinatag sa panahon ng pananakop sa bansa ng mga Amerikano noong 1906 bilang isang isolation facility para sa mga may karamdaman na leprosy.
Taong 1913, nagkaroon ng sariling coinage o perang magagamit lamang sa loob ng Culion Leper Colony for sanitary purposes.
Ang “Leper coins” ay hindi legal kapag nasa labas ng colony at ang paggamit nito sa ibang lugar ay mahigpit na ipinagbabawal.
Anim na beses nag-isyu ng “Leper coins” at 16 varieties ang coins na nagawa para sa colony.
Ang issues mula 1913 to 1920, ay gawa sa aluminum, habang ang coins na inisyu mula 1922 to 1930 ay yari naman sa copper-nickel at mas matibay.
Ang unang mga disenyo ng leper coins ay simple. Ang harapan ng barya ay may nakasulat na “Culion Leper Colony Philippine Island” at naka-inscribe naman sa likod nito ang “Bureau of Health” at ang petsa ng issuance.
Taong 1925, isang bagong disenyo ang inalabas na nahahawig sa 1-peso regular coin na ginagamit sa labas ng colony.
Sa likod ng barya ay makikita ang bagong selyo ng Philippine Health Service habang ang harap nito ay makikita ang mukha ni Rizal. Ito ang unang pagkakataon na ang larawan ng isang Filipino ay inilagay sa pera.
Kaya ang pagpapahalaga kay Rizal bilang Pambansang Bayani ay hindi dapat sukatin sa halaga ng one-peso coin, kundi sa sinasabi ng kasaysayan na si Rizal ay isang katangi-tanging Filipino kung kayat ang kanyang mukha ang kauna-unahang napiling ilagay sa perang ginagamit natin hanggang sa kasalukuyan.
Ayon pa sa BSP, si Rizal rin ang unang Filipino na nailagay sa Philippine peso banknote noong American era, taong 1903.
Kahawig ito ng 1906 Two Silver Pesos Certificate na makikita sa larawan sa ibaba, na bahagi “numismatic collection” ng BSP.
Ang likod ng 1906 banknote ay asul ang namamayaning kulay na may nakasulat na mga numeron 2 at salitang two na nagpapakita ng halaga ng salapi.
Mula noon, si Rizal ay naging pamalagian nang bahagi ng Philippine currency bilang pag-alala sa kanyang kabayanihan at magsilbing inspirasyon sa mga mamamayan.
Ang larawan ni Rizal ay ginamit sa English Series, Pilipino Series, at Ang Bagong Lipunan Series ng mga salapi ng bansa.
Charo Gregorio / Nelson Lubao