Signal No. 1 itinaas na sa Cagayan, Babuyan Islands habang si “Siony”ay mabagal na kumikilos sa Philippine Sea
Itinaas na ang signal No. 1 sa bahagi ng Luzon, habang patuloy na kumikilos ng mabagal si “Siony” sa Philippine Sea.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang hilagang silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga) at silangang bahagi ng Babuyan Islands (Balintang Island, Babuyan Islands, Didicas Island, at Camiguin Island kabilang ang karugtong nitong mga isla) ay nasa ilalim ng tropical cyclone wind signal, kung saan si “Siony” na tinatayang nasa 700 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes, ay may taglay na lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 105 kilometro bawat oras.
Mabagal itong kumikilos pa-timog timog kanluran.
Si “Siony” ay tinatayang kikilos ng mabagal o mamamalaging halos hindi gumagalaw sa susunod na 12-oras.
Sa pangkalahatan ay kikilos ito ng pa-kanluran o kanluran-hilagang kanluran patungo sa Luzon Strait at Extreme Northern Luzon.
Dahil dito ayon sa PAGASA, ang sentro ni ‘Siony’ ay nasa o magiging napakalapit sa Batanes at Babuyan Islands sa pagitan ng Huwebes ng gabi at Biyernes ng umaga.
Tinataya ring lalakas at magiging iang severe tropical storm si ‘Siony’ sa susunod na 24 oras, at aabot sa kaniyang peak intensity na 100 hanggang 110 ki,ometro bawat oras bukas, bago ito maglandfall o lumapit sa extreme Northern Luzon.
Maaari itong mag-intensify at maging isang typhoon.
Lalabas naman ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR), hapon o gabi ng Biyernes.
Sa susunod na 24-oras, sinabi ng PAGASA na ang northeasterlies na pinalakas ng Tropical Storms “Rolly” at “Siony” ay magdadala ng strong breeze hanggang gale-force winds with higher gusts sa Batanes, Babuyan Islands, at sa northern coastal areas ng Cagayan at Ilocos Norte.
Ang pinagsamang epekto ng northeasterlies at trough ni “Siony” ay magdadala ng mahina hanggang katamtaman na minsan ay malakas na mga pag-ulan sa Aurora, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at silangang bahagi ng Cagayan at Isabela.
Liza Flores