Signal no. 1 nakataas sa ilang lugar sa Luzon dahil sa Typhoon Kiko
Lumakas pa ang Typhoon Kiko habang kumikilos pa-Kanlurang bahagi ng bansa.
Sa 11:00 am forecast ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 670 kilometers Silangan ng Baler, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng haning aabot sa 195 kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 240 kph.
Dahil sa malalakas na hangin at ulang dala ng bagyong Kiko, isinailalim sa Tropical Cyclone wind signal no. 1 ang Cagayan kasama ang Babuyan islands, Northeastern portion ng Apayao (Luna, Pudtol, Flora, Santa Marcela), at ang northeastern portion ng Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon, Divilacan, Palanan).
Inaasahang sa susunod na 36 oras ay makararanas ng mga pag-ulan at pagbugso ng hangin ang mga nasabing lugar.
Posibleng sa mainland Cagayan at Babuyan islands magla-landfall ang bagyo.
Habang papalapit ang bagyo, sinabi pa ng PAGASA na simula bukas ng gabi ay posibleng makaranas na ng malalakas na pag-ulan ang Cagayan at Babuyan islands at Northern Isabela.
Posibleng umabot ng 2 meters ang alon sa coastal areas ng Northern Luzon kaya pinag-iingat ang mga maglalayag sa mga susunod na oras.