Simula bukas, September 15 ay ipatutupad na ang Election Ban sa Social Services.
Simula September 15 iiral ang Election Ban hanggang sa October 30 na araw ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Pero ayon sa Comelec, pwede namang humingi ng exemption sa kanila.
“Pwede mag-file ng exemption di magiging hadlang ang election laws. Katunayan, ilang request for exemption na ang inaprubahan ng comelec.” pahayag ni Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco.
Kabilang rito ang hiling na exemption ng Department of social Welfare and Development o DSWD sa kanilang pamamahagi ng one time financial assistance na 15 libong piso para sa mga maliliit na rice retailer na apektado ng Executive Order 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa ilalim ng EO 39, kailangan magbenta ng murang bigas ang mga ito.
Inanunsyo rin ng Comelec na binigyan na rin nila ng exemption ang tupad o tulong panghanapbuhay para sa disadvantaged/displaced workers o TUPAD program ng Department of Labor and Employment o DOLE.
“Ka-approved natin Tupad ng DOLE may 2 requirements dapat ang pamamahagi dapat taga DOLE magbibigay hindi barangay level kundi munisipyo at iba pang requirements.” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia
Tiniyak naman ng Comelec na sakaling ihain na sa kanila ang request for exemption para sa fuel subsidy para sa mga nasa pampasaherong transportasyon ay pagbibigyan rin nila ito.
Mahigpit na paalala naman ng poll body, 10 araw bago ang halalan, bawal muna ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng assistance to individual in crisis situation o AICS.
Exempted naman ang para sa basic needs gaya ng Pagkain, Transportasyon, Medikal, Educational, Burial at iba pang kahalintulad nito.
Maging kung magkaroon ng kalamidad sa isang lugar at kailanganing mamahagi ng relief goods.
Madelyn Moratillo